-- Advertisements --

Iginiit ng kampo ni former Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. na wala umanong balak o intensyon ang dating kongresista na tumakas.

Ito mismo ang kinumpirma at binigyang diin ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio upang maipaabot kay Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Kung saan nais umanong linawin ng kanilang kampo na ito’y wala sa mga planong gawin ng dating kongresista habang nananatili sa loob ng ospital.

Ani kasi ni Atty. Ferdinand Topacio na Malabo itong mangyari lalo pa’t mayroong tubo mula sa kanyang ilong hanggang sa loob ng tyan ng kanyang kliyente.

Dagdag pa niya’y nakakonekta ang tubong ito sa tatlong bote ng medikasyong nadaloy sa ugat kaya’t si Teves ay kasalukuyang hindi ganoon kalakas.

Hindi umano nito kayang tumakbo upang makatakas sa Philippine General Hospital kung saan siya isinugod at inoperahan.

Maalala na inoperahan ang naturang dating kongresista matapos makaranas ng malubhang pananakit ng tyan habang nasa loob ng kanyang piitan sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.