-- Advertisements --
image 20

Tiniyak ng Korte Suprema na reresolbahin nito ang isyu kaugnay sa pagdepende ng publiko sa social media para sa agarang paglutas ng kanilang mga problemang legal.

Binigyang diin ng Supreme Court chief Alexander Gesmundo na dapat maging dynamiko at responsive ang hudikatura sa kasalukuyang reyalidad dahil ginagamit na ngayon ng publiko ang social media para masolusyunan ang kanilang mga isyung legal..

Aniya sa panahon ngayon hindi na sapat na magkaroon ng pisikal na opisina lamang ang mga abogado at magsagawa ng isang araw na legal outreach program para maresolba ang mga problemang legal lalo na sa mga kababayan nating mahihirap.

Sa ngayon, nakapagbibigay aniya ng libreng access sa publiko sa korte gaya ng exemption ng mga ito sa pagbabayad ng legal fees para sa mahihirap at legal aid program na ibinibigay sa tulong ng Integrated Bar of the Philippines.

Dagdag pa dito, ang executive department ay nagbibigay din ng libreng legal assistance sa pamamagitan naman ng Public Attorney’s Office (PAO).

Ngunit sa kabila nito, ayon sa chief Justice na ang publiko ngayon ay dumidepende na sa mabilis na paglutas ng kanilang mga problemang legal sa pamamagitan ng pagdulog sa mga personalidad o social media influencers sa kabila ng kakulangan sa karanasan o background ng mga ito sa batas at di malayong maging tampulan pa ng pangungutya at komento sa social media ang mga humihingi ng legal assistance.

Subalit saad din nito na hindi niya sinisisi ang mga programang ito na nagbibigay ng kaluwagan sa publiko sa kanilng mga problema, nababahala lamang ang Justice chief sa lumalawak na pagtanggap ng mga tao sa mga ganitong platform na walang mga tuntunin para protektahan ang karapatan ng lahat ng mga sangkot na indibidwal.

Kaya dapat na ang Korte mismo ay dapat pumunta sa mga nangangailangan. Binigyang diin din ni Gesmundo ang pangangailangan na dagdagan pa ang pagsisikap sa pagbibigay ng access sa hustisiya sa bansa.

Top