Itinakda ng Korte Suprema sa Mayo 2 ng kasalukuyang taon ang panunumpa o oath-taking ng mga nakapasa sa 2022 Bar examination.
Ayon sa SC, ang oath-taking ay magsisimula sa oras na alas-10 ng umaga sa Philippine International Convention Center (PICC) sa lungsod ng Pasay kasunod ng roll signing.
Saad pa ng SC na ang mga bar inductees ay kailangang magbayad ng P5,000 bago dumalo sa oath-taking at roll signing.
Kabilang sa fees ang gastusin para sa event gaya ng paggamit ng venue, allowances at pagkain ng mga personnel na mag-aassist at magsisilbi sa naturang event.
Pinapayuhan din ang mga Bar passers at inductees na magsuot ng proper court attire at magdala ng sariling plain at itim na toga na susuutin sa buong oath-taking ceremony habang ang mga guest naman ay dapat magsuot ng proper business attire.
Ginawa ang naturang notice bago pa man ang paglalabas ng resulta ng 2022 Bar examinations para bigyan ng sapat na oras ang mga posibleng successful examinees para makapaghanda para sa Oath taking at Roll signing.
Kung magugunita nasa kabuuang 9,821 Bar examinees ang kumuha ng pagsusulit sa abogasya sa 14 na testing centers sa buong bansa habang ansa 9,183 ang nakakumpleto ng apat na araw na examination na nagtapos noong Nobiyembre 20, 2022.