Dahil sa kawalan ng sapat na merito, ibinasura ng Iloilo Regional Trial Court (RTC) Branch 23 ang motion for reconsideration na inihain ng Panay Electric Company (PECO) na humihiling na baliktarin ang nauna nang desisyon na nag-uutos ng pag-expropriate ng mga assets nito pabor sa bagong Distribution Utility na More Power and Electric Corp (More Power).
Sa dalawang pahinang desisyon ng RTC iginiit nito na wala nang prangkisa para mag-operate ang PECO gayundin ay wala nang pinanghahawakang Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) mula sa Energy Regulatory Commission(ERC) kaya wala nang ligal na basehan para magpatuloy ito na maging power supplier ng Iloilo City.
“The court in its order sought to be reconsidered already cited the reasons why the court cannot grant the Omnibus Motion to enforce the Addendum and Urgent Ex Parte Motion. Defendant PECO has no more franchise and CPCN to operate.Dependant PECO should know this better as this has been what they have been invoking”nakasaad sa desisyon ni RTC Branch 23 Judge Emerald Requina-Contreras.
Iginiit pa ng korte na ang inisyu at ipinatupad nitong writ of possession ay naayon sa law and jurisprudence, makailang beses pa umanong kinuwestiyon ng PECO ang nasabing kautusan sa pamamagitan ng paghahain ng ibat ibang legal remedies subalit maging ang Court of Appeals (CA) ay hindi binaligtad ang kanilang naging desisyon.
“Wherefore, finding no cogent reason to set aside or disturb its earlier order, the Motion for reconsideration is Denied”nakasaad pa sa desisyon.
Ang kaso ay nag ugat nang iutos ng RTC na ang assets ng PECO ay maaari nang iexpropriate o kunin ng More Power, kabilang dito ang Baldoza-La Paz substation (land including all machineries and improvements, buildings), General Luna substation (machinery), Tabuc Suba, Jaro substation (land, machinery), Bolilao, Mandurriao substation (land, buildings, and machinery) at Avanceña Street, Molo substation (land, and buildings, machinery) na umaabot sa halagang P217,940,870.
Bukod pa dito ang meter lab, power plant building at switchboard house na nagkakahalaga ng P14,792,680 na dapat din ibenta ng PECO sa More Power.
Iginiit ng korte na ang assets na tinukoy nito para sa expropriation ay mahalaga para maipagpatuloy ang maayos na pagbibigay ng power supply sa mga consumers kasabay ng pagkansela ng prangkisa ng PECO partikular na ang mga electric meters, poles, transformers, transmission, distribution equipment, service vehicles at iba pang kagamitan para sa distribution, maintenance at troubleshooting activities.
Ang prangkisa ng PECO ay nag-expire noong Enero 19, 2019, kasabay nito ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 14,2019 ang Republic Act 11212 na nagbibigay sa MORE ng legislative franchise na mag-operate bilang solong distribution utility sa Iloilo City.
Nang matanggalan ng prangkisa at CPCN ang PECO ay binawi na rin ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa ipinalabas nitong executive order noong May 8, 2020 ang business permit na ibinigay nito sa PECO.
Tatlong beses na nagpasaklolo ang PECO sa CA para baliktarin ang expropriation case decision ng Iloilo RTC subalit ibinasura ito ng appellate court sa katwirang ligal ang pagexpropriate ng assets ng PECO pabor sa More Power alinsunud na rin sa itinatakda sa RA 11212, ibinasura din nito ang hiling ng PECO na pigilan ang pagpapatupad ng writ of possession at hindi rin pinagbigyan ang hiling na magpalabas status quo ante order.
Kinikilala din ng ERC ang technical capability at readiness ng MORE na mag-operate bilang distribution system.
Sa report na isinumite ng More Power sa ERC sinabi nito na mula nang itakeover nila ang operasyon ng PECO noong Pebrero 2020 ay nagawa na nilang mapalitan ang may 109 na bulok na mga kahoy na poste at ginawang concrete post, nasa 146 transformers ang napalitan, naisaayos na rin ang 133 hotspots na tinukoy na maaaring magoverheat at 4,519 customer service ang kanilang natugunan.
“We really need to fix things and that is what we are actually doing 24/7. Rest assured that we are initiating proactive programs and policies attuned to the needs of our time to better serve the people of Iloilo. And this is propelled by our avowed mission to steer our city closer towards sustained prosperity and security through a sustainable energy service,” ani More Power President Roel Castro.