-- Advertisements --

Nag-isyu ngayong araw ang Bureau of Immigration ng babala sa publiko hinggil sa mga nag-aalok ng mapanlinlang na trabaho tungo ibang bansa.

Sa isinapublikong pahayag ng kawanihan, pinaalalahanan nito ang mga Pilipino lalo na ang mga naghahanap ng trabaho na huwag agarang magpapaniwala sa mga nakikitang job offers.

Ito anila ay kasunod ng pagkakaharang sa dalawang Pilipinong biktima ng ‘trafficking scheme’ sa kanilang nakuhang trabaho abroad.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang babalang ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na pagtibayin ang laban kontra mga kaso ng human trafficking.

Sinasabing naganap ang pagharang ng kawanihan sa dalawang babaeng biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na palipad sana ng Singapore.

Sila’y nagpakilala bilang matalik na magkaibigan ngunit natuklasan na hindi pala sa Singapore ang kanilang destinasyon ngunit sa bansang Albania pala.

Nakakuha raw sila at na-recruit bilang mga household service workers na may pangakong pasahod na nasa 38,000 Pesos.

Kalauna’y inamin nila na sila’y na-contact ng recruiter sa pamamagitan ng social media post at online messaging application.

Dahil dito, mariing hinimok ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga Pilipino na mas maging maingat at kumonsulta muna sa gobyerno bago tumanggap ng overseas job offers.