Hinimok ng grupong Anakpawis ang mga mambabatas na gumawa ng batas na sususpinde sa pagkolekta ng mga buwis sa mga produktong petrolyo sa harap na rin ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Anakpawis national president Ariel Casilao, dapat suspendihin ang paniningil ng 12 percent VAT at P10 excise tax sa gasolina.
Ang dapat na inaatupag aniya sa ngayon ng mga kongresista at senador ay ang pag-alis sa excise tax na ipinapataw ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law para mahinto na ang umalagwang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Inaakusahan naman ni Casilao si Energy Secretary Alfonso Cusi na inuupuan lamang ang kasalukuyang sitwasyon.
Hindi lamang ang issue sa oil price hike ang napabayaan aniya ni Cusi kundi maging ang problema sa kuryente katulad ng nangyaring rotational brownouts sa Northern Luzon noong Mayo.
Noong miyerkules, iminungkahi ni Cusi na humingi ng tulong sa Kongreso para bigyan ang Department of Eergy ng awtoridad na suspendihin ang excise tax sa langis.