-- Advertisements --

Ibinunyag ni House Appropriations Committee chairman Eric Yap na sinubukan siyang suhulan ng ilang daang milyong piso kapalit ang pagboto ng pabor sa prangkisa ng ABS-CBN.

Sa isang statement, sinabi ni Yap na mahigit dalawang linggo na ang nakararaan nang may tumawag aniya sa kanya na nagpapakilalang emisaryo ng ABS-CBN para alukin ng P200 million kapalit ng kanyang boto.


Napagdesisyunan niyang huwag nang ilabas sa media ang issue na ito dahil hindi naman aniya siya nakakasiguro na totoong emisaryo ng media giant ang tumawag sa kanya.

Hindi naman aniya patas na malagay sa alanganin ang pangalan ng Lopez-led broadcast company.

Maliban sa kanya, may narinig din si Yap na iba pang katulad na kaso pero hindi na rin niya ito inilabas sa media dahil hindi rin naman verified ang mga impormasyon na ito.

Samantala, iginiit ni Yap na “buhay na buhay” ang press freedom sa bansa hanggang sa puntong inaabuso na aniya ito ng iba para sa pansariling interes lamang.

Pero responsibilidad pa rin aniya ng mga mamamahayag na magbalita ng katotohanan.

“Pero sadyang may iilan na mas matimbang ang pagiging bias at walang pakialam kung tama ang laman ng balita. Do not mislead the public. They deserve to know the truth,” dagdag pa nito.

Sa isang statement, mariing pinabulaanan naman ng ABS-CBN ang impormasyon na nagpadala sila ng emisaryo kay Yap para suhulan ito.

Iginiit ng kompanya na mayroon silang tiwala sa prosesong tinatahak ngayon ng kanilang franchise application.