Ipinaglalaban ng grupo ng mangingisda na dapat panagutin ang may-ari ng oil tanker na dahilan ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.
Iginiit ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na ang RDC Reield Marine Services na kompaniyang nagmamay-ari ng lumubog na MT Princess Empress ay dapat na pagbayarin para sa ecological damage dahil sa oil spill at hinikayat ang pamahalaan na ganap na panagutin ang kompaniya.
Dapat na magbigay din aniya ang kompaniya ng compensation para sa apektadong komunidad kabilang ang mahigit 18,000 mangingisda na naapektuhan at kanilang pamilya.
Dose-dosena ding katao ang nagkasakit sa probinsiya matapos na maanod sa dalampasigan ang tumagas na langis habang libu-libong mga mangingisda naman ang pansamantalang pinagbawalang mamalaot hanggang hindi pa ligtas na mangisda.
Iginiit din ng grupo na dapat na pondohan ng kompaniya ang gagastusin para sa clean-up at rehabilitation ng mga apektadong lugar.
Nanawagan din ang grupo para sa imbestigasyon ng oil spill na maaaring magkaroon ng impact sa mahigit 2,500 ektarya ng coral reefs, mangroves at seaweed.