Aprubado na ng House Committee on Labor ang plenary approval ng panukala na magbabawal sa mga employers na isapubliko sa media ang termination ng kanilang mga empleyado.
Kasunod ito ng naging rekomendasyon ni 1PACMAN Partylist Rep. Eric Pineda na ipasa ang House Bill 852 na haharang sa posting ng notices of termination ng mga empleyado.
Iniakda naman ni DIWA Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay ang nasabing panukala na magpapataw ng multa mula P10,000 hanggang P50,000 sa mga employer na lalabag dito.
Muli ring inalala ni Aglipay ang parehong panukala na nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa noong 17th Congress.
Sa kabila nito, papayagan pa rin ang mga employer na ilabas ang notices of termination ng kanilang mga epleyado ngunit may ilang bagay na dapat isaalang-alang.
Una rito, pwedeng isapubliko ng employer ang notice of termination ng isnag empleyado kung sangkot ito sa iligal na gawain, grave misconduct, at pamemeke ng mga dokumento.
Hindi rin saklaw ng prohibition of publication ang mga employers na gusto lamang ianunsyo na ang kanilang empleyado ay hindi na kailanman konektado sa kumpanya sa oras na mapatunayang dawit ito sa isang krimen.
Dagdag pa ni Aglipay, kung mayroon namang reasonable grounds ang employer na magpapatunay sa katiwaliang ginawa ng empleyado ay maaari nitong isapubliko ang naturang anunsyo.