-- Advertisements --

Nakapaghain na ng piyansa ang kolumnistang si Ramon Tulfo sa kasong libelo at cyber libel na kinakaharap sa Manila Regional Trial Court (RTC) na una nang isinampa sa kanya ni executive Secretary Salvador Medialdea.

Matapos makapagpiyansa ng P60,000 ay ipinag-utos na din ni Manila RTC Branch 12 Judge Renato Enciso ang pagbawi sa warrant of arrest laban kay Tulfo.

Itinakda naman ang pagbasa ng sakdal laban kay Tulfo sa Nobyembre 26 dakong alas-8:30 ng umaga.

Una nang sinampahan ng patong-patong na kaso ni Medialdea si Tulfo sa korte dahil sa mga serye ng column nito sa pahayagang Manila Times na nakasira umano sa kanyang reputasyon.

Kabilang sa mga mapanirang column na ito ay ang pag akusa ni Tulfo kay Medialdea ng paglalabas umano ng memorandum ng hindi alam ng Pangulong Rodrigo Duterte para atasan lahat ng na suportahan ang kontrobersiyal na Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) na suportahan ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) foundation at pag-upo umano ng isang taon sa claim ng isang Felicito Mejorada para sa P272.02 milyong government reward money.

Batay sa nasabing column si Mejorada umano ang nagbigay ng tip sa gobyerno para masawata ang planong smuggling sa Mariveles, Bataan noong 1997.

Sa isa pang column ay inakusahan naman ni Tulfo si Medialdea ng nasa likod umano ng paghingi ng P72 milyon kay Mejorada bago maibigay ang reward sa kanya.

Mariin namang itinanggi ni Medialdea ang akusasyon at sinabi na wala siyang inilabas na memorandum pabor sa PHISGOC.

Sa kaso naman ni Mejorada, naaksiyunan aniya ito sa loob lang ng tatlong buwan at iginiit na wala siyang kinalaman sa sinasabing panghihingi ng P72 milyon rito.

Maliban sa kasong isinampa ng executive secretary ay nahaharap sa iba pang libel at cyber libel case si Tulfo na isinampa maman ng iba pang government officials kasama sina Bureau of Internal Revenue (BIR) Comm. Caesar Dulay at dating Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre.