Magsasagawa ng kilos protesta ang labor group na Kilusang Mayo Uno at transport association na Pison bukas, Hulyo 27, sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang Facebook post, sinabi ng KMU na sila ay magtitipon-tipon dakong alas-8:30 ng umaga sa CP Garcia St. at magmamartsa patungong Jacinto St. sa Diliman, Quezon City bago sisimulan ang kanilang programa.
Idaraos ng KMU ang kanilang anti-Duterte protest na tatawaging SONAgkaisa sa University of the Philippines, Diliman campus bandang alas-10:00 ng umaga.
Sunod na tutungo ang naturang grupo sa Esguerra Gate ng ABS-CBN Corporation pagsapit ng alas-6:00 para iprotesta naman ang hindi pag-apruba ng komite sa Kamara sa franchise application ng media giant.
Samantala, ang Piston naman ay unang magtititpon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board Central Office dakong aslas-7:00 ng umaga.
Sunod ay tutungo sila sa Philcoa sa Quezon City dakong alas-8:00 ng umaga kasama ang mga miyembro ng grupong Bayan.
Pagkatapos naman nito ay tutungo rin sila sa SONAgkaisa at sa kilos protesta sa ABS-CBN Esguerra gate.