-- Advertisements --

Sinuspinde ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod ngayong Huwebes, Hulyo 2, 2026, dahil sa inaasahang pagdaraos ng kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio.

Sa isang pahayag sa social media, sinabi ng alkalde na layunin ng suspensiyon ng klase na matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang mamamayan, gayundin upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko dulot ng pagtitipon.

Samantala, nilinaw ni Manila City Administrator Atty. Eduardo “Wardee” Quintos XIV na hindi na kinakailangan ng permit para sa mga mapayapang pagtitipon sa Liwasang Bonifacio dahil ito ay isang government-designated Freedom Park.

Nauna nang nagtapos ang programa ng mga nagpoprotesta sa EDSA-White Plains sa Quezon City noong Miyerkules ng gabi, alinsunod sa naunang permit na ipinagkaloob ng Quezon City government.

Bago umalis, inatasan din ang mga kalahok na linisin ang lugar at dalhin ang kanilang mga basura.

Ayon sa isang ministro ng INC, ililipat sa Liwasang Bonifacio ang kanilang pagtitipon ngayong Huwebes upang maipagpatuloy ang kanilang programa, dahil hindi na kinakailangan ng permit sa naturang lugar.

Patuloy namang nakahanda ang mga awtoridad upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa paligid ng Liwasang Bonifacio at iba pang pangunahing lansangan sa Maynila.