Sinuspinde ang mga klase sa apat na paaralan sa bayan ng Mulanay sa probinsya ng Quezon ngayong araw, Mayo 22 matapos makatanggap ng “bombo threat” mula sa isang online post ng isang “Ka Tonyo”.
Kabilang sa apat na paaralan kung saan inanunsyo na ang suspensyon ng mga klase ay ang government institution na Polytechnic University of the Philippines (PUP-Mulanay), Bondoc Peninsula Agricultural High School, Mulanay Central School, at Santa Rosa Elementary School
Sa paggalugad ng kapulisan, negatibo sa bomb threat o walang nakitang bomba sa bisinidad ng naturang mga paaralan.
Hiniling na ni Mayor Aris Aguirre sa Philippine National Police-Explosive Ordnance Disposal Unit (EOD) na tiyakin ang kaligtasan ng mga paaralang ito.
Ayon kay Mulanay police chief Police Major Marlon Comia, ang bomb threat ay ipinost ni “Ka Tonyo” sa wikang Bisaya sa Facebook page ng university student government ng PUP-Mulanay.
Ayon sa post, may mga nakatanim umanong bomba sa mga paaralan.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng inspeksyon sa lahat ng sulok ng paaralan ngunit walang nakitang bomba.
Nakikipag-ugnayan ang Mulanay police station sa PNP-Anti-Cybercrime Group para matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng naturang Ka Tonyo.