-- Advertisements --

Sa sobrang taas ng presyo ng mga produktong petrolyo, aabot na lamang sa P300 hanggang P400 ang nauuwi ng mga PUV (public utility vehicle) drivers sa kanilang pamilya.

Ayon kay Piston National President Mody Floranda, ang halagang ito ay ang matitira sa mga PUV drivers sa loob ng 16 na oras na biyahe sa isang araw kaya hindi nakakatulong ang patuloy pa ring pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ngayong araw, ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad ng P5.85 na dagdag sa presyo ng kada liktro ng diesel at P3.60 naman sa kada litro ng gasolina, na pinakamalaking pagtaas sa mga nakalipas na buwan.

Kaya apela ng Piston sa pamahalaan na payagan nang maibalik sa P10 ang minimum fare sa mga pampublikong jeep.

Ang nangyayari kasi aniya sa ngayon ay nagbibigay na lamang ang mga pasahero ng P10 at hindi na kinukuha ang P1 na sukli makatulong man lang sa mga tsuper.