Bumaba ng P5.88 billion noong 2020 ang total revenue ng Bureau of Immigration (BI) mula sa sinisingil nilang immigration fees.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang kinita nila mula sa nakolektang immigration fees noong nakaraang taon ay 36.1 percent na mas mababa kumpara sa record-high income na P9.3 billion noong 2019.

Gayunman, aminado si Morente na inasahan na nila ang pagbagsak ng kanilang kita mula sa immigration fees dahil sa COVID-19 pandemic.

Nakaapekto kasi aniya ang public health crisis na ito sa pagpasok at labas ng mga foreign nationals.

Mahigit dalawang buwan ding suspendido ang mga transaksyon sa BI makalipas na magdeklara ang pamahalaan ng lockdown noong Marso ng nakaraang taon.

-- Advertisement --

Sa kabila nito, sinabi ni Morente na inaasahan nilang unti-unting makakabalik sa normal ang kanilang koleksyon ngayong taon dahil sa inaasahan ding pagdating ng COVID-19 vaccine at kapag maalis na ang international travel restrictions.