-- Advertisements --

DAVAO CITY – Bumagsak na sa kamay ng mga otoridad ang most wanted person sa national level na sangkot sa kidnap for ransom sa isinagawang operasyon sa Talaingod, Davao del Norte.

Napag-alaman sa Police Regional Office (PRO)-11 na kinilala ang naaresto na isang Richard Gulfan Orayan, 43, residente sa nasabing lugar.

Nahuli si Orayan sa joint operation ng Talaingod Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit 5, at Criminal Investigation Detection Group-Camp Crame, sa pamamagitan ng warrant of arrest sa kasong kidnapping na inilabas ng Regional Trial Court Branch 48, 5th Judicial Region, ng Masbate City.

Sinasabing sangkot ang suspek sa pagdukot kina Enrique Carlos noong October noong 2005; Anton Yang Jr., noong February 2006; Santos Nang, April 2006; Josuha Ferias, January 2006; Jasmin Perez, December 2006; Kenneth Mark Jade Reyes, November 2006; at Reynaldo Santillan December 2008.

Si Orayan ay miyembro umano ng Pepino Kidnap for Ransom Group na nagsilbing abductor, guard at tipster ng nasabing kidnap for ransom group.

Inihayag naman ni Police Brigadier General Marcelo Morales, PRO-11 director, na siniguro nilang ligtas ang mga sibilyan sa inilunsad na police operation at hindi nila papayagang maging taguan ng mga pinaghahanap ng batas ang Region Eleven.

Nakiusap din ang PRO-11 director sa mga taga-Davao na agad na makipagtulingan sa kapulisan kung may may makikitang kaduda-dudang personalidad o aktibidad sa kanilang lugar.