-- Advertisements --

Dumepensa si Japanese gaming tycoon Kazuo Okada sa pagbabalik niya sa PIlipinas kahit na may kinakaharap itong kasong grave coersion.

Sinabi nito na handa niyang harapin ng patas ang kasong isinampa sa kaniya kaya siya nagbalik sa bansa.

Nitong Oktubre 17, 2022 ay dumating sa bansa si Okada lulan ng Japan Airlines flight JL 77 kung saan inaresto siya dahil sa nasabing kaso na agad naman itong nakapag-piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.

Kasama nitong nasampahan ng kaso sina Antonio O. Cojuangco, Dindo A. Espeleta, at legal counsel na si Atty. Binky Herrera III, sa pag-takeover sa Okada Manila noong Mayo 31.

Sinabi ni Okada na wala siyang dapat ikatakot dahil alam niyang nasa tamang posisyon siya sa kasong kinakaharap niya.

Wala aniya itong dapat na ikatakot dahil sa mga imbentong kaso na isinampa ni Hajime Tokuda at ng kanyang mga kasamahan sa Universal Entertainment Corp. (UEC) at Tiger Resorts Asia Limited (TRAL) ay hindi makapipigil sa kanya na gampanan ang kanyang responsibilidad bilang Chairman ng Tiger Resorts Leisure and Entertainment, Inc. (TRLEI).

Pagtitiyak pa nito na magiging maganda ang pamamahala niya sa Okada Manila bilang pangunahing integrated resort sa Pilipinas.

Magugunitang noong Abril ay naglabas ang Korte Suprema ng Status Quo Ante Order (SQAO) at naibalik kay Okada ang kaniyang posisyon bilang Chairman at nag-iisang kinatawan ng TRAL at TRLEI.

Naniniwala ito na sa huli ay mapapatunayan na siya ang nararapat na may-ari ng Okada Manila dahil sa tiwala ito sa legal na proseso sa justice system ng bansa.

Tiniyak din ng kaniyang legal team na gagawin nila ang lahat ng mga makakaya para maipanalo ang kaso.