BUTUAN CITY – Aminado si dating Alliance of Concerned Teachers o ACT Teachers party list Rep. France Castro na matagal nang tinatawag na mga buwaya ang mga kinatawan ng House of Representatives.
Itoy bilang reaksyon sa pahayag ni Rep. Kiko Barzaga na inilarawan ang Kamara bilang isang “crocodile farm” kung saan nagtitipon ang marami umanong kongresista na tinawag niyang mga buwaya.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, sinabi ni Castro na bagama’t matagal nang bansag sa mga kongresista ang pagiging buwaya, ngayon lang nangyari na hayagang inihayag ito ni Barzaga sa kanyang pagbalik sa sesyon matapos masuspende dahil sa kanyang mga posts laban sa kakulangan ng aksyon ng administrasyong Marcos sa malawakang korapsyon sa bansa.
Dagdag pa ni Castro, sa kanyang panahon sa Kongreso, hindi nangyari na nag-away ang mga kongresista dahil sa mga kaguluhan ngayon sa bansa katulad ng ginawa nina Congressmen Kiko Barzaga at Leandro Leviste.
Kahit pa ang Kabataan party list na lantad din ang kanilang mga obserbasyon, hindi umano sila nakipagbangayan sa kanilang mga kasamahan dahil ang kanilang mga alegasyon ay may sapat umanong mga ebidensya.
















