-- Advertisements --

Niyanig ng Magnitude 6.1 na lindol ang Eastern Samar nitong Mayo 4, 2026, ganap na alas-dos ng hapon.

Ayon sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang pagyanig sa layong siyam na kilometro hilaga-kanluran ng San Julian, Eastern Samar, sa lalim na 10 kilometro.

Naitala ang Intensity V sa Can-Avid, Eastern Samar; Dulag at Alangalang sa Leyte; at Gandara sa Samar, kung saan naramdaman ang malakas na pagyanig na nagdulot ng pangamba sa mga residente.

Intensity IV naman ang naitala sa Abuyog, Palo, at Carigara sa Leyte. Sa iba pang lugar gaya ng Naval sa Biliran, Hernani sa Eastern Samar, Ormoc City, Hilongos, Albuera, Baybay, Villaba, at Isabel sa Leyte, gayundin sa Sorsogon City at Bulusan sa Sorsogon, at ilang bayan sa Southern Leyte, naramdaman ang Intensity III.

Samantala, Intensity II ang naitala sa Kawayan, Biliran; San Francisco, Cebu; Monreal at Esperanza sa Masbate; at Prieto Diaz sa Sorsogon. Intensity I naman ang naramdaman sa Tabaco, Albay; Carcar, Liloan, at Cebu City sa Cebu; Sta. Maria sa Davao Occidental; Passi City sa Iloilo; Aroroy at Cataingan sa Masbate; Donsol sa Sorsogon; at Maasin sa Southern Leyte.

Ang Tacloban at buong Eastern Visayas ay matagal nang nasa panganib ng malalakas na lindol dahil sa lokasyon nito sa Pacific Ring of Fire at sa Philippine Fault Zone.

Isa sa pinakamapaminsalang lindol na tumama sa rehiyon ay ang Magnitude 7.6 na naganap sa Samar noong Agosto 31, 2012, na nagdulot ng matinding pagyanig sa Tacloban at malawak na pinsala sa mga gusali at imprastruktura.

Naramdaman ito sa iba’t ibang bahagi ng Visayas at Mindanao, at nagdulot ng pangamba sa posibilidad ng tsunami.

Bukod dito, noong Hulyo 6, 2017, yumanig ang Magnitude 6.5 na lindol sa Leyte na nagmula sa Leyte Segment ng Philippine Fault, na nagresulta sa pagkasira ng mga gusali, pagkamatay ng ilang residente, at malawakang pagkawala ng kuryente sa Tacloban at mga karatig-lugar.

Sa kasaysayan ng Eastern Visayas, ang 2012 Samar earthquake ang itinuturing na pinakamapaminsala dahil sa lakas at lawak ng epekto nito, habang ang 2017 Leyte earthquake ay nagpatunay ng patuloy na panganib sa rehiyon.