-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na mahuhuli rin ng mga awtoridad ang negosyanteng si Atong Ang at dating Ako Bicol Part-List Rep. Zaldy Co na kapwa nahaharap sa high-profile cases.

Ayon kay PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang operasyon ng pulisya gamit ang mga nakalatag na plano at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang matunton ang dalawa.

Nahaharap si Ang at ilan pang akusado sa mga kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.

Noong Abril, naglabas din ng Interpol red notice laban kay Ang, habang iniulat na namataan siya sa Calabarzon. May alok ding P20 million pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang kinaroroonan.

Samantala, may inilabas ding warrant of arrest laban kay Co at 17 iba pa, kabilang ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga direktor ng Sunwest Corp., kaugnay ng maanumalyang flood control project.

Kinasuhan na ng Office of the Ombudsman si Co ng graft at malversation sa Sandiganbayan dahil sa sinasabing maanomalyang P289-million flood control project sa Oriental Mindoro.

Itinanggi ng dalawa ang mga paratang laban sa kanya.

Matatandaan na noong Abril 16, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naaresto si Co sa Prague matapos harangin sa German border dahil sa isyu sa kanyang travel documents.

Gayunpaman, nilinaw kalaunan ni Justice Secretary Fredderick Vida na wala na sa kustodiya ng Czech authorities si Co. Ayon naman sa ulat, huling namataan si Co sa France noong Mayo 1.