kawhi leonard
Kawhi Leonard

Hahabol umano ngayong araw si dating two-time NBA finals MVP Kawhi Leonard na makasama ang kanyang team na Los Angeles Clippers patungo ng Orlando, Florida.

Sa susunod na linggo kasi simula na ng training camp ng 22 mga NBA teams para sa pagpapatuloy ng 2019-2020 season sa July 30.

Naiwan kasi Kawhi sa biyahe ng eroplano ng koponan dahil sa may inayos pa sa kanyang pamilya.

Pero ayon kay coach Doc Rivers, hahabol ngayong araw si Kawhi patungong Florida.

Pero pagdating niya doon sa campus, sasailalim muna ito sa COVID test at dalawang araw na quarantine.

Kung maaalala kamakailan lamang ipinasara muna ang training facility ng Clippers makaraang merong magpositibo na miyembro ng travelling party.

Samantala ang miyembro naman ng Clippers na si Paul George ay nagsabing kahit nasa pandemic ay nagpalakas sila ng husto upang maging title contender sa NBA championships.