-- Advertisements --

BACOLOD CITY—Inilunsad sa lungsod ng Bacolod ang kauna-unahang mobile coronavirus testing unit sa buong bansa.

Ayon kay Mayor Evelio “Bing” Leonardia, ang biosafe swab mobile ay gagamitin ng City Health Office para sa kanilang contact tracing mission.

Sinabi ng alkalde na makakatulong ito sa pag-protekta sa mga health workers gayundin sa mga probable patients.

Sa halip aniya na pumunta ang mga pasyente sa ospital para sa swab test, ang city health staff mismo ang pupunta sa mga lugar ng pasyente na maituturing na probable case ng COVID-19.

Dalawang health workers lamang ang magsasagawa ng swab test sa biosafe swab mobile.

Ang nasabing proyekto ay bahagi ng itinatayong biosafety laboratory ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital na nakatakdang mag-operate sa buwan ng Hunyo.

Nabatid na sina Engr. Joseph Saril at mismong anak ng alkalde na si Kara ang nanguna sa proyekto kung saan ang nag-sponsor ay ang mga miyembro ng Bacolod Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry.

Umabot sa isang milyon ang donasyon para sa pagpapatayo ng biosafe swab mobile.

Aasahan naman ang isa pang unit ng biosafe swab mobile para sa Bacolod mula sa isang private firm na nais mag-donate nito.