Mas nakatutok ngayon si House Speaker Alan Peter Cayetano sa trabaho na kailangan atupagin ng Kamara kaysa problemahin ang usapin hinggil sa term-sharing nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sinabi ni Cayetano na malayo pa naman aniya mapaso ang 15 buwan na kasunduan nila ni Velasco kaya mainam sa ngayon na unang pagtuunan ng pansin ang trabaho na kanilang tapusin.
“Nag-uumpisa pa lang tayo, marami pa tayong kailangang patunayan. Kailangan natin ipakita sa ating mga kababayan na relevant, kumo-connect at tumutugon sa pangangailangan ng tao ang Kongreso,” saad ng lider ng Kamara.
Binigyan diin nito na “wala namang dapat ikakaba” sa usapin hinggil sa term sharing dahil natitiyak aniya niya na igagalang niya ang kanilang kasunduan ni Velasco.
Subalit ayon kay Cayetano ay kokonsultahin din niya si Pangulong Rodrigo Duterte para alamin ang posisyon nito sa naturang usapin, at anuman aniya ang magiging desisyon nito ay iyon ang masusunod.
Magugunita na bago ang pagsisimula ng 18th Congress ay inendorso ni Pangulong Duterte si Cayetano sa mga kongresista bilang kanyang manok sa speakership race.
Sa ilalim ng kasunduan na pinangunahan ni Pangulong Duterte, bibigyan ng 15 buwan para umupo bilang speaker si Cayetano at susundan naman ni Velasco hanggang sa matapos ang 18th Congress.
Ang isa pang nagnanais sana na maging Speaker na si Leyte Rep. Martin Romualdez ay sinabihan noong mga panahon na iyon na uupo bilang Majority Floor Leader.