Kinumpirma ni Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na radio broadcaster Percy Lapid na may magandang development sa takbo ng imbestigasyon ng Department of Justice (DoJ) at National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng pagpatay sa kanyang kuya.
Ayon kay Mabasa, posibleng sa Biyernes o di kaya sa Lunes ay maisampa na sa korte ang kasong murder laban sa mga pumatay kay Ka Percy.
Sinabi rin ni Mabasa na malaking
tulong sa development ng kaso ang autopsy findings na ginawa ni pathologist Dr. Raquel Fortun sa labi ng namatay na sinasabing middleman na si Jun Villamor.
Sa nasabing findings kasi lumalabas na pinatay si Villamor at hindi ito namatay taliwas sa naunang report ng mga otoridad na may sakit ito sa puso na posibleng dahilan ng kanyang kamatayan.
Nilinaw din ni Mabasa na patuloy na nakakatanggap ng death threat ang isa sa mga anak na lalaki ni Lapid.
Una nang sinabi ng tagapagsalita ng pamilya Mabasa na si Atty. Berteni Causing na duda ang mga ito sa ilang lumutang na testigo sa krimen.
Kaya naman nais nilang masampahan lang ng kaso ang sa tingin nila ay nasa likod talaga ng pagpaslang sa komentarista.
Hihirit din ang mga ito ng isa pang araw ng preliminary investigation kapag natapos na ang ikalawang pagdinig sa Nobyembre 4.
Kanina nang nagtungo sa DoJ si Roy Mabasa para sa case conference kasama sina Justice Secretary Crispin Remulla at NBI Director Medardo de Lemos.