Pumalag si dating police general at kasalukuyang Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kasong ibinabanta laban sa kanya ni resigned PNP chief Oscar Albayalde.

Sa isang panayam, sinabi ni Magalong na paraan ito ni Albayalde para linlangin ang publiko upang ipakita na sila ang nagsisinungaling at hindi siya.

“When everything is laid out and spelled out, the truth will come out that we are the ones who are actually telling the truth,” ani Magalong.

Nais lamang aniya ni Albayalde na pagtakpan ang sarili nito matapos masangkot sa issue ng mga “ninja cops” o mga tiwaling pulis na nagre-recycle ng iligal na droga.

Nauna nang sinabi ni Magalong na nakisawsaw si Albayalde, na noong mga panahon na iyon ay Pampanga police chief pa lamang, para hilingin na huwag ituloy ang dismissal order laban sa dati nitong mga subordinates kaugnay ng P648 million halaga ng shabu na nakumpiska noong 2013.