-- Advertisements --

Dapat na ituloy pa rin ng pamahalaan ang pagpagpapalaya sa mga bilanggo na sakop ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law, ayon sa isang kongresista.

Pahayag ito ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman matapos na suspendihin ng Department of Justice noong Linggo ang pagproseso sa maagang pagkakalaya ng mga bilanggo dahil sa good conduct matapos na umani ng pagbatikos ang posibleng pagbenepisyo rito ng convicted rapist-murderer at dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Ayon kay Hataman, hindi dapat madamay sa issue na ito ang mga qualified prisoners dahil maituturing itong “greater injustice” kapag nagkataon.

“Madami nang matatanda, mahihina at sakiting mga inmates na bayad na sa mga kasalanan nila sa lipunan. Marami dito, naka-wheelchair na palabas ng kulungan, meron nasa stretcher na. Silang mga matatanda, may sakit at mabait na preso, let them be home by Christmas,” saad ni Hataman sa isang statement.

Pansamantala, maari aniyang i-hold muna ang approval, subalit dapat magtuloy-tuloy pa rin ang pagproseso sa mga bilanggong qualified sa GCTA.

“Magandang batas naman ito. Call Sanchez a monster, but the law, the GCTA, hindi dapat mag-suffer. We can review the law, but I believe we should not repeal it,” dagdag pa nito.

Sa tantya ni Hataman, makakatipid ang pamahalaan ng P182 million kung mababawasan ng 2,000 ang 47,010 na projected inmate population ng Bureau of Corrections (BuCor) pa lamang para sa susunod na taon bukod pa sa mga qualified prisoners sa ilalim naman ng Bureau of Jail Management Penology (BJMP).

Magugunita na noon pang termino ni dating pangulong Benigno Aquino III nang naipatupad ang Republic Act No. 10592, na nagbibigay ng guideline para sa GCTA, o ang time allowance na maaring ibawas sa kabuuang sentensya ng isang bilanggo.