-- Advertisements --
image 399

Tumaas ang kaso ng leptospirosis at dengue noong nakaraang buwan dahil sa sunod sunod na pag-ulan at pagbaha na nakapaapekto sa ilang bahagi ng bansa, batay yan sa datos ng Depatment of Health.

Mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 29, sinabi ng naturang ahensya na mayroong 199 na bagong kaso ng leptospirosis na naitala, 18% na mas mataas kumpara sa 170 kaso na naitala noong nakalipas na dalawang linggo.

Ang Rehiyon ng Ilocos at Central Luzon ang naobserbahan na mayroong tuloy-tuloy na pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na anim na linggo, matapos na mag-ulat ng 26 na kaso sa parehong panahon. Tumaas din ang kaso ng leptospirosis sa Calabarzon, Mimaropa, Central Visayas, Bangsamoro Region, at National Capital Region (NCR).

Giit ng DOH, ang National Capital Region ang may pinakamalaking pagtaas ng kaso, na nagpakita ng dalawang linggong growth rate na 103%.

May kabuuang 47 na nasawi dahil sa naturang bacterial disease na naitala mula Hulyo 18 hanggang 29. Karamihan sa mga ito ay nagmula sa NCR na may 13 deaths (28%).

Aabot naman sa kabuuang 2,335 na kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Hulyo 29. Mas mataas ito ng 53% kumpara sa 1,531 na kaso sa parehong panahon noong 2022.

Samantala, nagtala rin ang Health department ng isang porsyentong pagtaas ng kaso ng dengue mula Hulyo 2 hanggang Hulyo 15.

Sa kasalukuyan, 9,877 dengue cases ang naiulat, habang may 9,782 cases na naitala noong nakalipas na dalawang linggo.

Ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at East Visayas ay lahat ay nagpakita ng pagtaas na may pinakamataas na record na 1,159.

Sa kabila nito, ang mga kaso ng dengue na nai-post hanggang Hulyo 2023 ay mas mababa kumpara sa parehong timeframe noong 2022.

May kabuuang 90,320 na kaso ng dengue ang naiulat sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Hulyo 29—-isang 22% na pagbaba kaysa sa 116,032 kaso na iniulat sa parehong panahon noong 2022.