-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Health-7 na mayroong 3,118 na kumpirmadong kaso ng hand, foot, and mouth disease sa rehiyon mula Enero hanggang Setyembre 30 ng kasalukuyang taon.

Gayunpaman, inihayag ni Regional Epidemiologist Dr. Eugenia Cañal, na kung titingnan ang huling tatlong buwan, mayroong naitalang hindi bababa sa 433 kaso.

Nangunguna naman ang Probinsya ng Cebu sa may pinakamataas na kasong naitala na sinundan ng Bohol, Negros Oriental at Siquijor.

Nilinaw pa ni Cañal na hindi ito matatawag na outbreak pero dumadami lang ang mga kaso na napapanahon dahil nagsimula na rin ang face to face classes.

Posibleng pang mababa lang ang kaso noong nakaraang taon dahil limitado lang ang galaw ng mga bata dahil sa pandemya at nitong taon lang nagsimulang tumaas.

Sinabi pa nito na pinakakaraniwang apektadong mga indibidwal ay ang mga batang may edad 1 hanggang 5 taong gulang o maliliit na bata na nalantad sa taong nahawahan.

Ilan pa sa mga palatandaan at sintomas ng nasabing sakit ay ang lagnat, ubo, sipon at paglitaw ng mga pantal.

Hinikayat naman nito ang mga magulang na turuan ang mga bata na ugaliing maghugas ng kamay at kung nilalagnat man ay iwasan na munang pumasok sa paaralan kung nilalagnat.