-- Advertisements --

DAVAO CITY – Inanunsyo ng Davao City Water District (DCWD) na natapos na ang kanilang isinagawang Water sampling testing sa sampung water stations sa Puan, Bago Gallera, Baliok, Bago Aplaya, at Toril Areas kung saan dito nagmula ang karamihan sa naging biktima ng diarrhea oubreak.

Batay sa resulta, kinumpirma ng DCWD na negatibo mula sa Escherichia coli o E.Coli at coliform ang kanilang tubig.

Dahil dito, nilinaw ng DCWD na ligtas at hindi kontaminado ang kanilang tubig mula sa bacteria na sanhi ng waterborne disease katulad ng Diarrhea.

Maliban dito, tiniyak din ng DCWD na walang malalaking leak sa kanilang distribution lines sa mga apektadong lugar.

Una nang ipinahayag ni CHO Head Dr. Ashley Lopez, posible na isa sa mga sanhi na kanilang tinitingnan ngayon maliban sa water supply ay ang Street food partikular na Tapioca na ibinibenta sa Toril kaya sa ngayon, pansamantala munang itinigil ang pagtitinda ng mga street food sa nasabing lugar.

Sa latest report ng Davao CHO, umabot na sa 43 ang nagka-Diarrhea kung saan kadalasan nito ay mga bata at kababaehan.

Pinakabata sa mga naging pasyente ay nasa anim na buwan pa lamang, samantala ang pinakamatanda naman ay nasa apat napung taong gulang.

Pinangangambahan na posible pang madagdagan ang nasabing bilang dahil patuloy pa rin na nakakatanggap ang mga pribadong ospital ng mga pasyente na nakakaranas ng sintomas ng Diarrhea.

Samantala, meron ding anim na pasyente ang kasulukuyang idinila sa Southern Philippines Medical Center dahil sa naranasang severe diarrhea at patuloy parin itong inoobserbahan ng mga Doctor.