-- Advertisements --

Kinumpirma ni Dr. Leticia Cabrera, OIC Asst. Regional Director ng Department of Health (DOH) region 2 ang bagong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Cagayan Valley.

Dahil dito ay umakyat na sa 26 ang mga nagpositibo sa region 2 habang 18 na ang tuluyang gumaling.

Si PH-4200 ay 30-anyos na health worker sa Metro Manila at umuwi sa San Agustin, Isabela noong March 30, 2020.

Noong April 6 ay nagpakonsulta ito sa Santiago Medical City dahil sa nararanasang pag-ubo at hirap sa paghinga.

Nagpositibo sa COVID-19 ang specimen sample na kinuha sa kanya.

Ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH region 2 kasama ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela at pamahalaang lokal ng San Agustin ay agad na magsasagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ni PH4200.

Sinabi naman ni Mayor Cesar Mondala ng San Agustin, Isabela sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan na magsasagawa sila ng emergency meeting para sa gagawing contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing health worker.

Samantala, kinumpirma ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na nag-negatibo na mula sa COVID-19 si PH838.

Si PH838 ay buntis mula sa Alicia, Isabela.

Dalawa na lamang ang nasa pangangalaga ng CVMC na COVID-19 patients.

Sila ay sina PH3668 at PH3773, mga health worker na taga-Tuguegarao City.

Sa kabuuan, 18 na ang nag-negatibo batay sa kanilang swab re-tests.