Iniimbestigahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang napaulat na forced labor trafficking sa 36 na mamgingisdang Pilipino sa Namibia.
Una ng iniulat ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na kanila ng inendorso ang naturng kaso sa Department of Justice (DOJ) at sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para imbestigahan at gumawa ng kaukulang aksiyon.
Ibinunyag aniya ng mga mangingisda sa DMW na sila ay inisyal na na-recruit para magtrabaho sa Taiwan subalit dinala ang mga ito para mangisda sa Namibia.
Base pa sa testimoniya na nakalap ng DMW mula sa mga biktima na may pagkakataon pa umano na pinagtratrabaho ang mga ito ng 36 na oras ng diretso at binibigyan ng pagkain dalawang beses lamang sa isang araw at nasa apat na oras lamang ang kanilang tulog o pahinga.
Pagbubunyag pa ni Ople na ang identity papers kabilang ang pasaporte at seaman’s book ay kinuha mula sa kanila na hayagang paglabag aniya sa karapatan ng mga seaferers.
Ang mga manning agencies naman aniya na sangkot sa recruitment ng mga seaferer ay binayaran ang sahod ng mga mangingisda.
Iniimbestigahan na rin aniya ng DMW ang principals na sangkot sa Namibian case kabilang ang Shang Chi Enterprise Ltd., One Marine Services Inc. at Arrow Marine PTE, Ltd.
Ayon kay Ople, haharap ang mga ito sa permanent disqualification mula sa pag-hire ng mga mangingisdang Pilipino.