-- Advertisements --

Walang ibang sisisihin kundi ang Senado at hindi ang Kamara sakali mang magkaroon ng delay o reenactment ng pambansang pondo, ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano.

Iginiit ni Cayetano na sa kabila nang maagang second reading approval ng Kamara sa P4.5-trillion proposed 2021 national budget noong Oktubre 6, na nagresulta sa maaga ring suspensyon ng kanilang plenary session, ay isang araw lamang ang magiging delay pagdating naman sa kanilang target date para sa third reading approval sa November 16.

“One day lang po ang diperensya and I hope that maging malinaw ito because kung magkakaroon po ng delay o reenactment, it will become because of the Senate not because of the House, because we are only taking about only one day,” ani Cayetano.

Una rito, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na “good as reenacted” ang 2021 national budget dahil hindi naaprubahan ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon sa ikatlo at huling pagbasa bago pa man nasuspinde ang sesyon ng Kamara noong Martes.

Dahil dito, malabo na aniya para matapos ng Senado ang kanilang budget, at maaprubahan naman ng Malacanang bago matapos ang taon.

Pero ayon kay Cayetano, ginawa nila ang kanilang makakaya para maaprubahan kaagad ang panukalang pondo sa kabila nang isang buwan na delay sa submission ng ehekutibo ng 2021 National Expenditure Program.

Mababatid na Agosto lamang nang matanggap ng Kamara ang naturang dokumento na kadalasan ay isinusumite naman sa mababang kapulungan ng Kongreso ilang araw matapos ang State of the Nation Address tuwing Hulyo.

Gayunman, humingi ng paumanhin si Cayetano sa Senado para sa isang araw na delay.