-- Advertisements --

MANILA – Pinuna ni Vice President Leni Robredo ang tila malabong usapan sa pagitan ng mga nakatalagang opisyal na nangangasiwa sa inaasahang COVID-19 vaccines para sa bansa.

“Kaya siya nagiging controversial kasi unang una hindi nako-communicate nang maayos iyong—may mga statements na sinasabi iyong iba nating mga government officials na hindi nakakatulong,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Magugunitang nagisa sa pagdinig ng Senate Committee on the Whole nitong linggo ang ilang opisyal dahil sa tila pagpabor ng gobyerno sa bakunang gawa ng China.

Ayon kay VP Leni, hindi talaga maiiwasang isipin ng publiko at mga senador na may kinikilingan ang pamahalaan pagdating sa bakuna.

Lalo na’t may mga lumalabas na listahan ng presyo ng mga bakuna, kung saan isa sa pinaka-mahal ang gawa ng kompanyang Sinovac mula China.

“Iyong presyo, may karapatan tayong magtanong kasi taxpayers’ money iyong gagamitin.”

“Kung kukunin iyon sa utang o kukunin iyon sa GAA (General Appropriations Act) o kukunin iyon sa pera ng mamamayan, may karapatan tayong magtanong kung magkano.”

Batay sa inilabas na datos ng opisina ni Sen. Sonny Angara, pumapangalawa sa bakuna ng Moderna ng Amerika ang presyo ng Sinovac.

Tumanggi ang mga opisyal na kilalanin ang report dahil may non-disclosure agreement daw ang Pilipinas at Beijing.

Bukod sa halaga ng bakuna kada dose, importante rin daw na malaman kung epektibo at ligtas ngang gamitin sa mga Pilipino ang Chinese-made vaccine.

“So tingin ko, Ka Ely, karapatan ng mamamayan—sana hindi masamain. Kasi nakita ko iyong ibang statements sinasabi na pino-politicize. Hindi ito politika, Ka Ely, kasi kalusugan natin ito lahat. Buhay natin ito lahat. Ang hinihingi lang naman iyong forthright na tamang impormasyon at ang hinihiling, na pakinggan tayo.”

Ayon kay Robredo, kaakibat ng pagbibigay ng malinaw na impormasyon sa publiko ang pagsisikap na maibalik ang tiwala ng bawat isa sa bakuna.

Lumabas sa isang Pulse Asia survey kamakailan na 50% ng mga Pilipino umano ang hindi interesadong magpa-turok ng COVID-19 vaccine.

“Makakatulong sa pag-boost ng confidence ng tao kung maramdaman ng tao na ina-address iyong kaniyang concerns.”

“Sana ma-realize ng mga opisyal ng pamahalaan na konektado dito sa vaccine purchase na mahalaga iyong confidence ng tao kasi ang makakatulong sa atin lahat, hindi lang sa ekonomiya pero sa kalusugan ng bawat Pilipino, na mataas iyong… mataas iyong pagtanggap sa pagbabakuna kasi iyon iyong makakasalba sa atin. Iyon iyong makakasalba sa ating ekonomiya.”

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, posibleng higit P600 lang ang presyo kada dose ng Sinovac vaccine. Taliwas sa datos na inilabas ng mambabatas.

Sa Pebrero inaasahang darating ng bansa ang unang 50,000 doses ng Chinese-made vaccine, ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez.