Tiniyak ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na hindi papabayaan ng national government ang Mindanao at sinabi ring makakatanggap din ito ng mas marami pang COVID-19 vaccines sa lalong madaling panahon sa oras na dumating na sa Pilipinas ang inaabangan na supplies.
Ginawa ito ni Galvez matapos na pumalag si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa aniya’y hindi pagpansin nina Galvez at iba pang opisyal ng COVID-19 task force sa sitwasyon sa Mindanao sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Hanggang noong Hunyo 14, sinabi ng National Task Force agains COVID-19 na nasa 1.7 million doses ng bakuna ang kanila nang naipadala sa Mindanao.
Sa kabuuan, aabot pa lang sa 12 million doses ng COVID-19 vaccines ang dumarating sa Pilipinas, at 6 million pang doses ang inaasahang darating ngayong buwan.
Magugunita na sa pulong kamakailan ng House Committee on Mindanao Affairs, sinabi ni Rodriguez na marami sa kanyang mga constituents ang hindi sana binawian ng buhay dahil sa COVID-19 kung kaagad lang tumugon ang national government sa kanilang hiling na dagdag sa supply ng bakuna.










