Naniniwala ang law professor na si Atty. Jennifer Reyes na magiging crucial sa pag-usad ng impeachment trial ni VP Sara Duterte ang mga testimoniya nina Gina Acosta at Edward Fajarda, dalawa sa mga inaasahang ihaharap ng House prosecution panel sa hinaharap.
Sina Acosta at Fajarda ay parehong dating special disbursing officers: si Fajarda sa Department of Education (DepEd), habang si Acosta ay sa Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Atty. Reyes, mahalaga ang testimoniya ng dalawa para matunton kung saan nga napunta ang mga na-encash na tseke mula sa CIF ng dalawang nabanggit na opisina.
Magiging exciting din aniya ang pagtayo ng dalawa sa witness stand dahil sila ang pangunahing indibidwal na umano’y nakakaalam sa ‘trail’ ng hanggang P612.5 million na CIF ni VP Sara sa dalawang opisina na kaniyang hinawakan.
Maganda aniyang abangan kung may mga papangalanan ba silang mga indibidwal na posibleng pinagdalhan o pinagbigyan ng pondo matapos ang kanilang enchashment.
Sa pamamagitan ng dalawang dating SDO, tiyak aniyang matutunton ang mag tumanggap ng pera at kung sakaling matunton ang mga ito, kailangan ding mapadalhan muli ng subpoena upang paharapin sa Senate impeachment court.
Kailangan din aniyang abangan ng publiko kung ‘aakuin ba nila kung mayroon mang pagkakamali’, o linisin ang pangalan ng pangalawang pangulo, o kung tuluyang may madadawit na iba pang malalaking indibidwal.
















