Maaaring magdevelop ng karagdagang lugar malapit sa Malampaya gas field para sa 210 billion cubic feet (BCF) gas reserves na gagawin bilang bahagi ng renewal ng kontrata na pinasok ng gobyerno sa naturang kompaniya noong nakaraang linggo ayon sa Department of Energy (DOE).
Magugunita na ni-renew noong nakaraang linggo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa huling pagkakataon ang Service Contract No. 38 kung saan pinalawig pa ang production contract ng 15 taon hanggang sa Pebrero 22, 2039 habang naghahanda ang bansa para sa posibleng krisis sa kuryente.
Isang taon bago mapaso ang 25 taong contract service.
Sinabi ni Energy Undersecretary Alessandro Sales na kinailangan ang pagpapalawig ng kontrata upang makapag-produce ng natitirang gas reserve na humigit-kumulang 80 hanggang 140 billion cubic feet sa gas field.
Ayon sa DOE official, mangangailangan ng puspusang drilling ng mga balon at malakihang paggawa sa ilalim ng dagat upang ikonekta ang mga bagong production wells sa kasalukuyang Malampaya production facilities.
Ang Malampaya gas field ay itinuturing na pinakamalaking commercial gas discovery sa bansa na nagpapagana sa 20% ng mga pangangailangang enerhiya ng mga Pilipino hanggang noong nakalipas na taon.
Inaasahang tuluyan itong maubusan gas reserves sa 2027.
Sinabi ng DOE na marami pa ring hindi pa nagagamit na mga lugar ang bansa na may malalaking deposito ng gas upang matugunan ang pangangailangan sa enerhiya ng bansa ngunit ang mga potensyal na mamumuhunan sa oil and gas exploration activities ay natakot dahil sa income tax case ng Malampaya gas project.
Kaugnay nito para mabawi ang nakaambang krisis sa kuryente, tinitingnan din ng DOE ang iba pang mapagkukunan ng enerhiya kung saan kabilang sa tinututukan ng pamahalaan ang renewable energy at nuclear power kasama ang Nuclear Energy Program Inter-agency Committee na pinagaaralan ang pagsasama ng nuclear energy sa energy mix ng bansa.
Subalit ilang mga grupo at eksperto ang nagpahayag ng pagtutol sa nuclear energy bilang source ng kuryente sa bansa.