Pinasinayaan ngayong araw sa Lungsod ng Bacoor ang newly-renovated Cavite Mayors League Building, newly-constructed covered court, at newly-installed container rooms na magsisilbing dagdag isolation at quarantine facilities sa naturang lugar.

Bagamat isinailalim na rin si General Community Quarantine (GCQ) ang buong Bacoor ay hindi pa rin nagpakampante ang lokal na pamahalaan ng lungsod upang patuloy na labanan ang pagkalat ng coronavirus disease.

Ang Ligtas COVID-19 Center ay matatagpuan sa open space area sa harap ng Southern Tagalog Regional Hospital (STRH). Ang mga container rooms ay ginawang temporary shelter modular houses na mayroong 20 hospital beds na gagamitin para sa mga mild at asymptomatic positive COVID-19 patients.

Mayroon din itong common bathrooms, nurses station at doctors’ lounge.

Naisakatuparan ang container rooms na ito sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor katuwang ang mga donors mula sa Future Home Co., Ltd., Almextech Inc., at Jesus V. Del Rosario Foundation Inc. kung saan sila ay nagtulong-tulong para mabuo ang mga air-conditioned container rooms sa loob lamang ng mahigit isang buwan.

Kaya namang mag-accomodate ng bagong renovate na Cavite Mayors League building ng 20 pasyente habang ang renovation ng STRH ay naging daan upang magkaroon ng karagdagang 50-bed capacity rooms para sa mga asymptomatic, mild to severe COVID-19 patients.

Pinangunahan ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla ang blessing at turnover ng mga container rooms kasama sina DOH Regional Director Dr. Eduardo Janairo at STRH Director Dr. Ephraim Rubiano kasama ang iba pang mga opisyal ng DOH at STRH.

Ayon kay Mayor Lani, kasalukuyang mayroong 71 recovered patients sa Bacoor habang nananatili sa 11 katao ang namatay dahil sa virus. Nasa 12 naman ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa lungsod kung saan 45 dito ang active cases.

“Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ating targeted mass testing at huwag naman sanang mangyari pero maaaring mangyari na madagdagan pa ang mga kasong ito. At kasunod na ma-detect ang mga ito, kailangang matiyak na sila ay ma-isolate, mabigyan ng tamang treatment hanggang sila ay maka-recover,” dagdag ni Revilla.

“Kaya naman, matapos na maipatupad ang mga social distancing measures sa Bacoor, mas papaigting sa ating mga kapasidad sa problemang pang-kalusugan ang ating tinutukan at sinolusyunan. Kaya bukod sa mga existing isolation and quarantine facilities natin na pansamantalang ginamit natin ay mga hotels, motels at inns sa lungsod, ito na tayo ngayon, may sarili na tayong Ligtas Covid-19 Center,” pagtatapos ng alkalde.