-- Advertisements --
image 228

Bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagsuporta sa mga guro, ipinagmalaki ngayon ng Department of Education (DepEd) na mahigit 11,000 ang bilang ng mga gurong na-hire ngayong taon.

Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na mahalagang suportahan ang mga guro dahil nakasalalay sa kanila ang hinaharap ng mga kabataang Pinoy.

Sa ngayon ay nasa 11,580 ang kabuuang bilang ng mga na-hire na mga guro at nasa 5,000 administrative officer items ang nalikha para mabawasan ang administrative loads ng mga guro ngayong taon.

Sa kanilang year-end accomplishment report na isinumite ng Malacañang, nasa 15,331 teachers at school leaders ang nakatanggap ng graduate scholarships habang nasa 17,636 ang sumailalim sa pagsasanay sa early-grade language literacy.

Nasa kabuuang 161,700 teachers din ang nakakumpleto ng National Educators’ Academy of the Philippines (NEAP) subsidized teaching courses at 31,700 teachers ang sumailalim naman sa Teacher Induction Program.

Ang National Educators’ Academy of the Philippines ay isang attached agency ng DepEd na siyang responsable sa design, development at delivery ng professional development para sa mga guro, school leaders at iba pang teaching-related personnel.

Inihanda rin ng DepEd ang National Learning Recovery Plan para maging gabay ng mga rehiyon, divisions at schools para maresolba ang learning deficiencies dahil sa pandemic-related disruptions.

Una ring sinabi ni DepEd Assistant Secretary Ruby Torio na ang kanilang plano ay kinabibilangan ng pagpapalawig sa school calendar, pag-establish sa learning support center sa mga paaralan ar community-based learning spaces, pagsasagawa ng summer learning remediation at intervention programs at ang hiring ng karagdagang learning support aides.

Noong buwan ng Setyembre, sa pakikipagkita ni Pangulong Marcos sa Filipino community sa New York, sinabi nitong aktibo raw ang Education department na aktibong nagtatrabaho para mapalakas ang Philippines’ education system para maihanda ang mga Pinoy saan man sila mapadpad.

Nais ng Pangulong Marcos na tutukan ang science, technology, engineering at mathematics (STEM) courses.