Idineploy na ng Bureau of Immigration (BI) ang mahigit 500 immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals dahil pa rin sa inaasahang pagbuhos ng mga local at foreign tourist ngayong Undas.
Ayon sa BI all set na ang kanilang mga tauhang ipapakalat da terminals 1, 2 at 3 ng NAIA na magbabantay ngayong Undas.
Ayon sa BI, karaniwan kasing tumataas ng anim hanggang walong porsiyento ang mga pasahero sa paliparan kapag panahon ng Undas.
Mahigpit ding pinaalalahanan ang immigration officers na bawal silang ma-late at mag-leave sa trabaho ngayong peak season.
Inaasahan din ng BI na sa susunod na linggo ay bubuhos sa NAIA terminals ang mahigit kalahating milyong mga pasahero.
Umapela naman ng pag-unawa ang BI sa mga pasahero dahil sa mahabang pila sa immigration counters dahil sa malaking volume ng mga biyahero.
Una rito, itinaas na ng BI sa heightened alert status sa kanilang mga personnel sa NAIA at iba pang ports nationwide dahil na rin sa patuloy na pagbuhos ng mga international passengers na magbabakasyon sa panahon ng Undas.
Ayon kay BI Commisssioner Jaime Morente, pinaalerto na niya ang kanilang mga tauhan sa mga paliparan para maiwasan ang human trafficking syndicates na samantalahin ang holiday break para maipuslit ang kanilang mga biktima.
Ibinunyag din ni Morente na base sa mga intelligence reports, posible raw gamitin ng mga international human smuggling syndicates ang okasyon ang Manila bilang transit point ng illegal aliens na gustong pumasok, mag-settle at magtrabaho sa bansa.
Para naman kay BI port operations division chief Grifton Medina, siniguro nitong ang mga BI officers na naka-assign sa mga immigration counters ay maingat at mapagmatyag sa pag-screen sa mga paparating at papalabas na pasahero sa bansa.
Sinabi nitong mahigpit ang kanilang direktibang huwag magpa-distract ang mga BI officers sa malaking volume ng mga travelers na lagi namang bumubuhos sa mga paliparan tuwing holidays.