-- Advertisements --

Dismayado ngayon ang isang kapitan sa Brgy. Labangon nitong lungsod ng Cebu matapos nabalitaan na lang sa social media na mayroon nang isang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa kanyang barangay.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu, sinabi pa ni Brgy. Captain Vic Buendia na imbes na ipagbigay-alam ito sa kanya ay nabalitaan na lang niya sa pamamagitan ng mga social media post at wala din umano itong alam kung saan nanggaling at paano sila nagkaroon ng nagpositibo.

Ibinahagi pa ng kapitan na nahihirapan din ito sa kanyang nasasakupan sapagkat hindi umano sinunod ang ipinatutupad na social distancing lalo na sa panahong may ipamigay na mga relief goods.

Parang nawalan na din umano siya ng kapangyarihan sa mga panahong ito dahil hindi naman siya sinunod ng mga tao.

Gumawa pa nga umano ito ng mga quarantine pass para sa kanyang nasasakupan ngunit hindi din pinapayagan ng mga nakadeploy na military at yung mula sa city hall lang mismo ang maaaring ikonsidera.

Samantala, 6 na kaso ang nadagdag sa Cebu City ngayong araw kung saan 5 nito ay mula sa Sito Zapatera, Barangay Luz na kasalukuyang isinailalim sa total lockdown dahil sa naunang tatlong kaso.

Naitala naman ang isang kaso sa A. Lopez, Brgy. Labangon.

Asymptomatic naman ang mga panibagong kasong nadagdag. Kaugnay nito, isasailalim na ni Cebu City Mayor Edgardo Labella sa lockdown ang nabanggit na lugar dahil sa naitalang kaso.