BOMBO DAGUPAN – Pinagtutuunan ngayon ng pansin ng Workers for Peoples Liberation ang mga pangunahing problema sa sektor ng mga manggagawa.
Ayon sa Chairperson ng naturang ahensya na si Primo Amparo, ang pangunahing problema parin ngayon ay ang unemployment rate at ang contractual o manpower agency ngunit kaunti lamang ang mga manggagawang may regular na trabaho.
Aniya hiling din daw nila na magkaroon ng umento sa sahod ang mga employees nang sa ganon ay matugunan pa rin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga ito lalo na ngayong mataas na ang mga bilihin.
Mungkahi pa nito na kung nais talaga ng gobyernong mas pabilisin ang pagrekober ng ekonomiya, bigyan ng P500 na emergency allowance ang mga manggagawa.
Binanggit din nito na madalas kasi sa mga sahod ng mga naturang mamamayan ay naipangbabayad lang din sa kanilang mga utang kaya’t nauuwi lang din sa wala ang kanilang pagpapagal.
Ito aniya ang kanilang nais ipaabot sa gobyerno na dapat umanong pagtuunan ng pansin.
Nagbigay rin ito ng komento sa panawagan ng ilang mga mamamayan na gawing pareho ang sahod ng Metro Manila sa probinsya upang hindi na kinakailangang lumuwas ng mga ito.
Kung titignan aniya ay nao-off set ang travel cost na galing sa pag-iimport ng mga produkto dahil kung minsan ay mas mataas pa ang presyuhan ng mga produkto sa probinsya kesa sa naturang lugar.
Aniya hindi raw lumalago ang sektor ng paggawa sa Pilipinas bagkos ang lumalago lamang ay ang mga may kontrol at may mga malalaking negosyo sa trading lalo hindi nabibigyang pokus ang sektor ng agrikultura.