-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naglabas ng kautusan ang Land Transportation Office (LTO)-Regional Office 5 sa otomatikong kanselasyon ng biyahe ng mga bus patungong isla o sa Visayas sakaling magtaas ng cyclone warning signals sa pagpasok ng Bagyong Tisoy.

Paunang hakbang ito upang mapigilan ang malaking volume ng mga pasahero at mga sasakyan na maaantala ang biyahe at maiipon sa mga pantalan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTO-Bicol assistant Regional Director Vincent Nato, pinadalhan na ng kopya ng direktiba ang mga bus company sa Maynila mula pa kagabi.

Nakipag-ugnayan na rin sa LTO central office at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang mabigyan ng mabigat na penalidad ang mga lalabag sa kautusan.

Payo pa ni Nato sa mga pribadong sasakyan at mga trucks na magkakarga ng perishable goods o produktong madaling masira, na ipagpaliban na muna ang biyahe.

Tinatayang apat na araw o higit pa kasi ang ilalagi ng mga ito sa pantalan sakaling abutan ng bagyo sa daan.

Nilinaw naman ni Nato na maaari pang bumiyahe ang mga sasakyan na patungo sa mga mainland provinces at hindi tatawid ng karagatan.