CAGAYAN DE ORO CITY – Naka-kustodiya na sa detachment ng 51st Infantry Batallion,Philippine Army habang iniimbestigahan ang kandidato pagka-barangay kapitan sa bayan ng Butig,Lanao del Sur.
Kaugnay ito sa umano’y pagbaril-patay ng suspek na si Jamail Mangaybao sa nakababata nitong kapatid na tumakbo rin sa katulad na posisyon sa Brgy Poktan sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Office spokesperson Police Maj. Alinaid Moner na habang naghihintay ng oras pagbukas ng presinto ang biktima upang maaga makaboto kaninang umaga,biglang sumugod ang suspek at nagkaroon sila nang suntukan.
Makalipas ang ilang minuto ay sumunod na ang putok ng hindi matukoy na uri ng baril na tumama sa dibdib ng biktima na si Madid Mangaybao na dahilan ng agad na pagkasawi.
Kasulukuyang upo na chairwoman ng barangay ang maybahay ni Madid kaya nagkataon na nagkabanggaan ang magkapatid.
Ito na ang panibagong election related incident na nangyari mismo sa bisinidad ng Lanao del Sur kaya buhos ang karagadagang puwersa ng mga pulis at sundalo upang bantayan ang kasalukuyang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) elections nitong araw.