Itinuturing ng 2019 Binibining Pilipinas candidate na si Bea Patricia Magtanong na “advantage” sa pageant ang pagpasa nito sa Bar Exams noong 2018.

Gayunman, aminado si Atty. Patch na kailangan pa rin niyang mag-effort bago pa man ang June 9 coronation night para mapagtagumpayan din ang isa pang pangarap na maging beauty queen.

“Definitely an advantage but kulang pa, I need to work hard,” saad nito sa isang panayam.

Ayon pa sa bagong abogado mula Bataan, may mga pagkakataon na ayaw na niya sana sumali pa sa prestihiyosong pageant search sa bansa dahil sa pinagdaanang pressure sa exam ngunit inspirasyon nito ang kanyang mga magulang.

“I’m so, so totally happy, I’ve finally passed the bar. I could have gone another way. I’m very, very fortunate that I’ve made it,” dagdag nito.

Isa si Magtanong sa 1,800 na nakapasa sa 2018 Bar Exams na kasabay ng kanyang pageant journey sa Binibining Pilipinas ngayong taon.

Inaasahang uuwi sa bansa ang Fil-Australian beauty mula Bicol na si Catriona Magnayon Gray upang personal na ipasa ang kanyang korona sa susunod na magiging kinatawan ng bansa sa Miss Universe.