Hindi kailangan na isailalim sa lockdown ang barangay Kamuning sa Quezon City matapos na matukoy na isa sa mga residente dito ang unang kilalang carrier ng coronavirus variant mula United Kingdom.

Sa isang statement, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na hindi pa nakakabalik sa Kamuning ang 29-anyos na lalaking pasyente matapos itong dumating ng Pilipinas mula Dubai noong Enero 7 sapagkat kaagad itong isinailalim sa isolation bilang protocol na rin sa mga inbound passengers.

Sinabi ni Belmonte na nagpapatupad lamang ng lockdown ang QC government kung mayroong community transmission sa isang lugar.

Matapos na inanunsyo ng Department of Health (DOH) ang pagkakatuklas nila sa UK variant ng COVID-19, sinabi ni Belmonte na ilang residente sa Kamuning ang nakaranas ng diskriminasyon, kung saan ilan sa mga ito ay sinasabihan na huwag na raw munang pumasok sa trabaho.

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung paano nahawa sa UK variant ng COVID-19 ang naturang Pilipino.

Pero sa isang statement noong Miyerkules ng gabi kasunod nang anunsyo ng DOH, sinabi ng QC government na ang nagpositibong pasyente sa UK variant at ang kasama nito ay nagnegatibo sa COVID-19 swab test bago pa man umalis ng Pilipinas at nagnegatibo ulit nang makarating ang mga ito sa Dubai.