-- Advertisements --

Sinabi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na sila ay magmo-monitor lamang sa plenary deliberations ng Kamara de Representantes ngayong Lunes, habang nakatakdang bumoto ang mga mambabatas sa impeachment case laban sa bise presidente.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng legal defense team ni VP Sara, hindi na sila pisikal na dadalo sa plenaryo at sa halip ay susubaybayan lamang ang magiging kakalabasan ng botohan.

Sinabi rin niya na hindi sila magbibigay ng spekulasyon kung maaabot ba ang kinakailangang 1/3 boto o 106 boto mula sa 318 miyembro ng Kamara upang maipasa ang Articles of Impeachment patungo sa Senado.

Ang impeachment complaint ay nakabatay sa pinagsamang reklamo na inihain nina Fr. Joel Saballa at Atty. Nathaniel Cabrera. Kabilang sa mga alegasyon ang culpable violation of the Constitution, bribery, graft and corruption, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na akusasyon.

Tiniyak naman ng kampo ni Sara Duterte na handa siyang humarap sa impeachment trial sakaling maipadala ito sa Senado.

Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na tututulan niya ang anumang pagtatangka na harangin ang pag-convene ng Senado bilang impeachment court sakaling matanggap nila ang Articles of Impeachment.