-- Advertisements --

Nagharap ngayong araw sa isinagawang arraignment ang kampo ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. at ang kabilang panig ni Congresswoman-elect Janice Degamo na asawa ng pinatay na dating gobernador na si Roel Degamo.

Ginanap ang naturang pagbasa ng sakdal sa Manila Regional Trial Court Branch 51, dito sa lungsod ng Maynila na siyang tumagal naman ng kulang kulang dalawang oras.

Dito hinarap ng nasasakdal na si former Congressman Arnie Teves Jr. ang mga kinasasangkutan nitong kaso na may kinalaman sa pagpatay sa dating gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo noong 2023.

Kinakaharap nito ang 10 counts of murder, 13 counts of frustrated murder, at 4 counts of attempted murder matapos siyang ituro bilang mastermind sa likod ng naging madugong pagpatay, dalawang taon ang nakalilipas.

Ngunit sa naganap na pagbasa ng sakdal, maisa pang ulit na tumanggi na magpasok ng ‘not guilty plea’ ang dating kongresista kaya’t ang korte na ang siyang gumawa nito para sa kanya.

Ito mismo ang naging pahayag ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na aniya’y ito ang kanyang mungkahi o instruction para sa kanyang kliyente.

Samantala, sa panig naman nina Congresswoman-elect Janice Degamo, ang kanyang abogado ang siyang kumatawan para sa kanilang pagdalo.

Kaya’t mariing inihayag ng abogado nito na si Atty. Andrei Bon Tagum na ang pagsasawa ng isang arraignment ay siyang kritikal upang lubusan na makamtam ang hustisya.

Dahil dito’y idinagdag pa ng naturang abogado ang mga kaganapang nangyari sa loob ng korte habang isinasagawa ang pagbasa ng sakdal.

Inaasahan na isasagawa ang susunod na pagharap ni former Congressman Arnie Teves sa korte sa buwan ng Agosto kung saan nakaskedyul ang pre-trial nito sa mga kasong may kinalaman sa pagpatay.