Binaliwala lamang ng kampo ni dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos ang sinasabing ebidensya na video na hawak ni dating justice secretary Vitaliano Aguirre II na nagpapakita na hindi naman daw pinilit si Ragos na tumestigo laban kay dating senator Leila de Lima.
Ayon sa legal counsel ni Ragos na si Atty Michael de Castro, ang ebidensiya ni Aguirre na video na kinunan sa Public Attorney’s Office noon ay wala ng halaga ngayon.
Aniya, nagpapakita lamang ito na merong video na kinausap si Ragos.
Giit pa ng abogado ni Ragos, ang nakapaloob umano sa Konstitusyon ay isang ebidensya lamang ang kailangan na walang nangyaring pamimilit, at ito raw ay kasulatan o signed waiver ng Miranda rights.
Maging ang abogado ni de lima na si Atty Bonifacio Tacardon, ay nagsabi na ang statement ni Aguirre ay walang “bearing” hangga’t siya mismo ang magtestigo sa korte.
Kahapon nga ay muling bumalik si Ragos, na dati ring NBI official at tumayo sa witness stand sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204, kung saan sumailalim siya sa cross-examination ng mga government prosecutors.
Muling binigyang diin daw sa korte ni Ragos na kaya raw idinawit niya si De Lima sa illegal drugs sa loob ng Bilibid ay dahil sa takot sa kaligtasan ng kanyang pamilya at sa kanyang career.
Tinangka naman ng mga prosecutors na ipalabas ang video na sinasabing ni dating secretary Aguirre pero tinutulan ito ng mga abogado ni de lima matapos kuwestyunin ang authenticity nito.
Ang next hearing ay gagawin sa Nov. 25.
Samantala, lumutang naman ang isyu na nag-krus daw ang landas nina ragos at de lima.
Dito ay “nag-sorry” daw si Ragos sa gawa-gawang istorya at sinabi sa dating senadora na napuwersa lamang siya noon at natakot sa kanyang kaligtasan at pamilya.