Kinumpirma ni Batangas Rep. at lead prosecutor Gerville Luistro na kabilang si Ramil Madriaga sa 25 testigong posibleng iharap ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Si Madriaga, na nagpakilalang dating aide at umano’y “bagman” ng bise presidente, ay nauna nang tumestigo sa Kamara na naipamahagi umano ang P125-milyong confidential funds ng Office of the Vice President sa loob lamang ng 24 oras batay umano sa utos ni Duterte.
Ayon kay Luistro, kasama rin sa listahan ng mga testigo ang ilang bank officials na may direktang kaalaman umano sa mga bank account ni Duterte at ng kaniyang asawa kaugnay ng ulat ng Anti-Money Laundering Council o AMLC tungkol sa mga “covered” at “suspicious transactions.”
Sinabi naman ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hihilingin nila sa Senado bilang impeachment court na maglabas ng subpoena para mabusisi ang mga account ng bise presidente sa mahigit limang bangko.
Kabilang din umano sa mga posibleng testigo sina dating senador Antonio Trillanes IV at ilang opisyal mula sa AMLC, Securities and Exchange Commission, Office of the Ombudsman, at National Bureau of Investigation. (report by Bombo Jai)
















