-- Advertisements --

Umakyat na sa 21 ang bilang ng mga nasawi sa gumuhong siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon, narekober ang labi ng sanggol sa Quadrant 2 ng disaster site bandang alas-sais uno ng gabi, habang nagpapatuloy ang search and retrieval operations.

Sinabi ni Fire Superintendent Maria Leah Sajili, Regional Public Information Officer ng BFP-Central Luzon, hindi pa kinukumpirma ang pagkakakilanlan ng sanggol habang isinasailalim ito sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Una rito, lumabas ang mga ulat mula sa ilang nakaligtas na posibleng may mga bata sa construction site dahil doon pansamantalang pinatira ng ilang manggagawa ang kanilang pamilya.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad kung ang sanggol ay kabilang sa mga naninirahan sa lugar.

Ang labi ng sanggol ay dagdag sa lumalaking listahan ng mga nasawi na kinabibilangan ng mga construction worker, kalapit na tindero, isang turistang Malaysian na nanunuluyan sa katabing hotel, at iba pang biktima.

Patuloy pa rin ang clearing operations ng mga responder sa pag-asang may makuha pang mga biktima sa ilalim ng guho.